Pinoy Pamahiin: Lamang lupa
by
Maria Angela Gonzales
Hindi man natin sila nakikita pero nagagawa pa rin
nila tayong makasalamuha sa araw-araw. Ewan nga lang kung maituturing na
masusuwerte ang mga may third eye dahil hindi nagiging imbisibol sa paningin
nila ang iba’t ibang elemento tulad ng duwento, whte lady o lamang lupa na
siyang bida sa artikulo natin ngayon.
Mag-ingat ka! ‘Yan ang maipapayo ko sa’yo kung pupunta
ka sa malalayo o masusukal na lugar. Kalimitan kasi, doon sila namumugad.Gayunpaman,
maaari ring hindi mo na kailangan pang lumayo. May pagkakataon kasing naririyan
lamang sila sa’yong paligid. Maaaring nasa bakuran mo o kaya naman ay nasa loob
mismo ng iyong bahay.
Sa Pinoy Pamahiin: Lamang-lupa ay magagawa kitang
bigyan ng babala kaya huwag na huwag mo itong iisnabing basahin.
Una, magsabi ng ‘tabi-tabi po’. Kahit na nasa
sarili mo ikaw na lugar, huwag ka pa ring maging kampanteng dahil pagsapit ng
dilim, hindi na lang ikaw ang naglalakad sa inyong bakuran. Kaya, importanteng
magsabi ka ng ‘tabi-tabi po’ para mabigyan mo sila ng babala na daraan ka.
Huwag mo na isiping para kang nasisiraan ng ulo kapag ibinulalas mo ang mga
katagang ito dahil para rin naman ito sa’yong kabutihan. Sige ka kapag
nagkamali kang matapakan sila ay maaari ka nilang parusahan. Gugustuhin mo pa
bang masaktan o magkasakit?
Pangalawa, baligtarin ang damit kapag naliligaw. Kung
naglalakad ka sa gubat at pakiramdam mo ay pabalik-balik ka lang, ibig sabihin,
napaglalaruan ka ng mga elemento. Kaya, baligtarin mo ang damit mo kung ibig
mong makalabas pa sa gubat.
Pangatlo, huwag sisipol kapag ikaw ay nasa gubat. Pupuwede
kasing gayahin ng engkanto at magiging dahilan iyon para ikaw ay magkasakit. Hindi
mo naman siguro gusting manghina, hindi ba? Kaya, huwag mong bigyan ng dahilan
ang mga elemento para pagkatuwaan ka.
Pang-apat, huwag basta-basta magpuputol ng punung
kahoy. Lagot ka sa lamang lupa na nakatira sa punong iyon kapag nasira mo.
Hindi lang simpleng parusa ang ipapataw niya sa’yo. Maaari ka niyang hatulan ng
kamatayan kung magiging matigas ka at hindi ka niya patatawarin.
Pang-lima, magpatawas. Kung ang karamdaman mo
ay hindi gumagaling o napapagaling ng doktor, magpunta sa albularyo.Tanging
sila ang makakatulong sa’yo dahil may kakayahan silang pagalingin ka. Kung
nausog ka kasi, hindi ‘yan basta-basta mawawala. Kinakailangan pang malawayan
ka ng nakausog sa’yo o kaya naman ay mapakuluan ang damit na suot noong nabati
ka.
Pang anim, magdala ng luya. Hindi gusto ng mga
engkanto ang amoy na ‘yan kaya kung aalis ka at pupunta sa malayo, kailangan
mong pahiran ang buo mong katawan ng luya para hindi ka mapahamak sa kanila.
O, sana ay nabalaan kita ng husto, ah.
Please LIKE & SHARE
kung nagustuhan mo ang artikulong Pinoy Pamahiin: Lamang-Lupa.
Comments
Post a Comment